Panagimpan

“Choco Biscocho!”

Pumihit paharap ang lalaki nang marinig ang palayaw na iisa lamang ang kilala niyang tumatawag. Sumalubong sa kanya ang napakahigpit na yakap. Yakap na nagbibigay saya sa at isa lamang ang alam niyang pinanggagalingan nito. “Star Fudgee bar! Na-miss kita!” Gumanti naman ng yakap ang lalaki. Kapwa malawak ang mga ngiti nang bumitaw ang dalawa.

“Bakit ngayon ka lang nagpakita? Saan ka ba galing?” Hindi pa rin makapaniwalang sambit ni Choco. Simula kasi bakasyon ay hindi na niya nakita ang dalaga. Buong pamilya nito ay naglaho sa loob ng tatlong buwan. “Edi sana nakapaghanda ako ng mga paborito mong pagkain..” Dugtong pa niya.

Tumawa si Star. “Miss ko na nga luto mo eh! Kaya nga andito na ako, ‘di ba? Tara na sainyo at nagugutom na ako!” Pabiro niyang giit at saka hinila ang lalaki. Halos lahat ng kanilang nadadaanan ay binabati sila. Kilala ang pamilya nila sa probinsya dahil mayaman at kinagigiliwan sa ganda ng pakikitungo nila sa lahat, mayaman man o mahirap. Laking pasasalamat ng mga tao sa kanila dahil kung may hinaing ay sa dito sila lumalapit at kaagad namang naaaksyonan.

“Alam mo, kung gutom ka na bakit ‘di ka pa bumili ng kakainin mo? Hihintayin mo pa ang lulutuin ko.” Sabi ni Choco habang nagpapatianod sa hila ng babae. Ilang hakbang nalang ay makakarating na sila sa bahay ni Choco. “Worth it ang pagkagutom kung luto mo naman ang papawi..” Nilingon siya ng dalaga at kinindatan. Natawa silang dalawa.

Nang makarating sa bahay ay pinagmasdan ni Star ang paligid habang nagtungo naman si Choco sa kusina. “Napakaraming nagbago sa loob ng tatlong buwan.” Napangiti nalang siya ng malungkot sa naisip niya. Alam niyang hindi maiiwasan ang pagbabago ngunit hindi niya inakalang magiging ganoon ito kalaki. Sobra siyang nasasaktan ngunit wala siyang magagawa kundi tanggapin ang mga pangyayari. Kumurap siya ng ilang beses upang mawala ang mga luhang nagbabadya. Hindi siya dapat maging mahina.

“Star, tara na sa loob magmiryenda ka muna.” Nagulat siya sa biglang pagsulpot ni Choco ngunit hindi niya iyon pinahalata, bagkus ay pinakita niya ang matamis niyang ngiti. “Sige, miss na miss ko na makikain dito sa inyo, eh!” Inunahan niya pa ang lalaki sa pagpasok. “May utang ka sa ‘king kwento, Star Fudgee bar. Huwag mo akong ngitian dyan!” Pakunwaring inis ni Choco.

Lumipas ang buong araw at puro tawanan at kwentuhan ang ginawa ng magkababata. Hindi talaga nasusukat ang pagkakaibigan sa dalas ng pag-uusap at distansya sa pagitan nila. Mananatili at mananatili ito kung totoo. Labis ang saya ni Choco nang makasama niya ulit si Star. Dahil gaya nga ng pangalan nito, ang dalaga ang kanyang bituin, nagbibigay liwanag sa kanyang madilim na kalangitan. Tuwing makikita niya ang ngiti nitong hindi niya kayang iwasan ay napapanatag ang kalooban niya. Gusto man niyang sabihin na gusto niya ang dalaga ay hindi niya magawa.

Malalim na ang gabi ay hindi pa rin magkamayaw ang dalawa sa pag-aasaran. Tawang-tawa pa rin sila habang binabalikan ang mga alaala nila noon. Kagaya ng pagkakadagan ng isang mascot kay Choco noong bata pa sila at sa sobrang takot ay halos mabingi ang mga tao sa sigaw nito. Simula noon ay hindi na niya ginusto pang kumain sa fast food na ‘yon.

“Tatlong buwan na rin nang makita ko ito ng gabi..” Tukoy ni Star sa kanilang lugar. Nakaisip naman bigla si Choco ng ideya. “Gusto mong makita ulit ang buong bayan kapag gabi?” Nagkatinginan ang dalawa at siguradong nagkaintindihan. “Tara!” Nagmadaling bumaba ang dalawa patungo sa sasakyan ni Choco.

~~
Dinama ni Star ang bawat pag palo ng hangin sa kanyang balat. Nasa isang rooftop sila ng isang mataas na gusali. Kitang- kita ang kislap sa mga mata ng dalaga. “Bagay na bagay sa’yo ang pangalan mo, hano? Kumikinang ka eh.” Iniabot ni Choco ang ice cream na binili nila kanina bago sila pumunta rito. Nakangiting tinanggap ito ng dalaga.

“Ang ganda-ganda nilang tignan. Nagbibigay sila ng liwanag sa madilim na langit..” Umiling-iling si Star. “Pero kahit gaano sila kaningning, hindi ba’t sila ay patay na rin?” Nanatiling nakatingala ang dalaga. Lumamlam ang mga mata nito. Nangunot ang noo ni Choco sa narinig at nakita ang lungkot sa mata ng babae, ngunit sa isang kurap ay bumalik na ang sigla nito. “Astig, hano?” Mahinang siko niya sa kaibigan. Tumango si Choco ngunit pakiramdam niya’y may mali.

“Alam mong lagi naman akong nandito hindi ba?” Malumanay na sambit niya. Alam niyang may dinadala ang dalaga. Kilala niya ito. “Alam ko. Pero ako, hindi. Hindi ako laging nandito. Mawawala rin ako sa tabi mo.” Pagbibitaw salita ni Star. Hinila na lamang ni Choco ang kaibigan sa isang mahigpit na yakap. “Huwag mong sabihin ‘yan.. Maaaring mawala ka sa tabi ko pero lagi ka namang nasa isip at puso ko.. Hindi ka mawawala..”

Umiling-iling si Star. “Hindi.. Mawawala ako. Lahat tayo ay mawawala. Ngayon palang ay humihingi na ako ng tawad kung hindi ko kayang manatili sa tabi mo..” Malungkot ang boses niya ngunit hindi ito lumuluha. Lalong bumibigat ang loob ni Choco. Hindi niya alam ang sasabihin. Bumitaw sa pagkakayakap si Star. “Tama na ang drama, Choco. Matutunaw ang chocolate flavored mong ice cream.” Ngisi ng dalaga. Sa takot na malungkot ulit si Star ay sumakay na siya sa pakikipag-asaran dito. “Ang Bandang Shirley?” Nagtawanan at nagpatuloy sa kwentuhan ang dalawa.

~~
“Kahit sandali lang… Basta’t makasama ka.. Kahit mamaya- maya lang, ako’y uuwi na!” Sabay na kanta ng dalawa habang papauwi. Tahimik na ang gabi at kakaunti na lamang ang dumaraang mga sasakyan. Muli ay naramdaman nanaman ni Star ang pagiging malaya.. Malaya sa mga alalahanin. Malaya siyang magsaya, kahit sa huling pagkakataon man lang.

“Andito na tayo, ang bilis naman..” Ani Star nang matanaw na ang bahay nila. “Pwede naman nating ulitin..” Pagpapalubag- loob ni Choco. Hininto na ni Choco ang sasakyan at nilingon si Star. “Masaya akong nakasama ka ulit. Na nandito ka ulit. Namiss kita, seryoso.”

Lumabas na sa kotse ang dalaga at dumungaw sa bintana. “Ako rin.. Kailangan ko nang umalis. Hanggang sa muli, Choco Biscocho..” Ngumiti ang dalaga.

Lingid sa kaalaman ni Choco, iyon na ang huling sandaling makikita niya ang mga ngiti ng dalaga.

Dahil nang- iwan ang kanyang Star Fudgee bar.

~~
Narito nanaman siya sa lugar kung saan halos araw-araw niyang pinupuntahan. Dala ang isang kumpon ng mga puting rosas na siyang paborito ng dalaga ay namalagi siya roon hanggang sa kumagat ang dilim.

Hinaplos ni Choco ang malamig na lapida kung saan nakaukit ang pangalan ng kanyang kaibigan. Nagpapaulit- ulit sa isipan niya ang mga alaala nila. Simula nang umiyak siya noong inasar at pinagtawanan siya ni Star dahil nabungi siya, pagsasabay nila tuwing tanghalian sa eskwela, hanggang sa pagtapak nila ng kolehiyo.

Pinaramdan ni Star kung gaano siya kahalaga. Tinuruan siya ng dalaga na maging positibo at masaya sa lahat ng bagay, na kahit madapa siya at dapat tumayo siya at lalong tumatag. Na sa kabila ng hirap sa buhay ay huwag paghinaan ng loob at matutong lumangoy sa dagat ng pagsubok. Tinuruan niyang mabuhay ang binata.

Humampas sa kanyang balat ang malamig na hangin dahil na rin sa nalalapit ng tag-ulan. Pumikit siya at dinama ito, hinahayaang sumabay dito ang kanyang buhok at damit.

“Mahal kita..” mahina ngunit buong puso niyang sambit sa isang katagang mahihimigan ang kalungkutan. Wala siyang magawa kundi ibulong ito sa hangin, umaasang tangayin ang salita patungo sa dapat makarinig nito.

Ngunit mapait ang katotohanan. Sadyang hindi humanay ang mga bituin sa kanila.

Tumingala siya sa langit at tuluyang bumuhos ang luha.

Walang mga kumukutitap. Walang mga kumikinang. At kagaya ng paghahari ng karimlan sa kalangitan, nawalan din siya ng liwanag.

Kagaya ng pagkawala ng mga bituin sa langit,

Wala na rin ang Bituin niya.

Leave a comment