Heto ka nanaman.
Kumakatok ka nanaman sa pinto ng aking isipan. Nagsusumamo na makapasok at mapakinggan. Pilit na kinakabog ang kaloob-looban. Dumating ka nanaman ng hindi inaasahan. Hindi ka na ba nadala?
Teka, sa akin yata dapat itanong ‘yan.
Hindi pa ba ako nadadala? Na sa bawat pagpunta mo ay pinatutuloy kita. Na sa bawat pagkatok mo ay binubuksan ko ang pinto upang papasukin ka. Na sa bawat pag-atake mo ay nanghihina ako at tuluyan nang nagpapatalo. Sa sandali na hinawakan mo nang mahigpit ang aking kamay, pilit na pinupuno ang espasyo sa pagitan ng aking mga daliri ay alam kong hindi na ako makakawala pa. Sa sandaling hinawakan mo ang pareho kong mga braso ay ikaw na ang susundan at patutunguhan. Subalit anong ginawa mo? Binitawan mo ako sa gitna ng daan. Ngayon ay hindi ko na alam kung ano ang kaliwa at kung ano ang kanan. Hindi na alam kung ano ang direksyong tatahakin. Hindi na alam kung ano ang aapuhapin.
Dahil ikaw lang ang alam na baybayin.
Hindi pa ba ako nadadala? Kahit kailan ay hindi ko naramdaman ang pagiging malaya. Kinulong mo ang isipan gamit ang kadena ng kahapon at ngayon. Lumalabo ang kinabukasan. Ginapos mo ako sa walang kasiguraduhan, at sa rehas na walang katuturan na aking kinasasadlakan.
Minsan ay dinala mo ako sa karagatan. Patakbo akong pumunta sa may dalampasigan. Sa sandaling maramdaman ko ang halik at lamig ng tubig sa aking mga paa ay hindi ako makatigil sa paglalakad. Humampas ang alon. Umihip ang hangin. Ang mga ngipin ng anyong-tubig ay patuloy akong kinakain. Nginunguya. Ninanamnam ang aking katawan at sa huli ako’y lulunukin nalang. Hindi pa rin ako tumigil sa paglalakad… Hanggang sa nilamon na ako ng dagat…
Hindi ako marunong lumangoy.
Heto ka nanaman.
Bilanggo mo ako.
Binilanggo mo ako.
Bilanggo mo ako, na kahit ilang beses mo man lisanin ang isip, katawan, puso at kaluluwa ko ay tatanggapin pa rin kita ng buong-buo sa oras na magbalik ka. Sa sandaling kumatok ka. Sa sandaling hawakan mo ulit ang pareho kong kamay. Sa sandaling mayroon nanaman tayong pupuntahan.
Bilanggo mo ako, na sa sandaling mabalot ng misteryo ang taling nagdudugtong sa tadhana, hindi na titigil sa pag-agos ang mga salita. Na sa tanikala mong ako ay hinabi, lalabas ang mga parirala’t tugma na kahit kailan hindi masasabi
Bilanggo mo ako, na kahit saan man ako mapadpad, babalik at babalik pa rin ako sa’yo. Maramdaman ko man ang saya, galit, pagkasuklam, pagkasabik, madalas ay ikaw pa rin ang uuwian ko.
Bilanggo mo ako, na parang ‘yong laruan noong bata kanina sa labas, na sa pagbitaw niya sa laruang bilog ay may sipi paring nagdudugtong sa kanila, na magreresulta sa pagbalik nito sa kamay niya. Na kahit gaano man kabilis o kabagal ang pag-ikot ng mundo, may babalikan pa rin ang isang tao, sa kaso ko, sa’yo.
Heto ka nanaman.
Heto ka nanaman,
Kalungkutan.