Baka habang buhay mag-isa.

“Patuloy kong hahanapin
kahulugan ng pag-ibig”

Pinagmasdan ko kung paano lumapit ang kanyang labi saiyong tenga, bumulong ng marahil ay matatamis na salita. Nilingon mo ang kanyang mga mata na sinalubong niya naman ng malalim na tingin. Heto ba?

Nang lumalim ang gabi ay mag-isa akong kumain. Pinili ko ang isang kainang kakaunti lang ang tao. Presko. Tahimik. Pumapailanlang ang tugtuging nagmumula pa sa lumang ponograpo. May tumayong bigla, inilahad ang kulubot nitong kamay sa ginang na nakangiti sa kanya.

Nanginginig niya itong tinanggap. Napatawa ito, hindi hadlang ang kawalan ng ngipin. Matapos igabay ang kamay sa kanyang balikat, pinagapang ng ginoo ang mga kamay nito sa bewang ng kapareha at malamyos na isinaliw ang katawan sa ritmo ng tugtugin. Hindi alintana kung magsisakit ang kasu-kasuan mamaya. Hindi nangangamba sa sasabihin ng makakakita. Heto ba?

Matapos kumain ay naglakad-lakad lang ako. Baka sakaling makapulot ng kahit anong pwedeng mapagtanto.
Ang ingay, andaming batang naglalaro. Tawanan dito, habulan do’n. Palibhasa’y hindi na tirik ang araw. Ngunit napako ang paningin ko sa batang lalaki. Inilalagay nito ang pinagtagpi-tagping santan sa ulo ng isang batang babae. “Ginawa ko ‘yan para sa’yo! Ikaw ang prinsesa ko, Bebang.” Napakalapad ang ngiti namang pumalakpak ang tinawag na Bebang at hinila ang lalaki papunta sa ibang kalaro. Matawa-tawa kong hinabol ng tingin ang dalawa. Paano kung ito? Heto nga ba?

Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang natanaw ko ang plaza. Hindi klaro, ngunit may naririnig akong mga taong sabay-sabay na sumisigaw. Bumilis ang aking mga lakad upang tignan kung ano ang nangyayari. Nang makita ko ang dagat ng mga tao ay nasulyapan ko ang makukulay na tela. Napagtanto kong kulay ito ng bahaghari. Nakangiti ang bawat kalahok sa parada, taliwas sa inakala ko (na may nagaganap na welga).

May kanya-kanya silang banner, ang isa ay nagsasabing “pantay na karapatan, anumang kasarian!” at paulit-ulit ang isinisigaw–“come out! come out and show your pride!” Magaan sa pakiramdam. Kaya na nilang humarap sa mga tao, bagay na hindi magawa noon. Tumigil sila sa gitna ng plaza, marahil ay dito ang dulo ng kanilang parada.Nagsuklay ng kanilang mahabang buhok ang dalawang nanguna. Maya- maya’y nagngitian. Tila nagpapakiramdaman. Hanggang sa magdikit ang katawan at naglapat ang mga labi. Naghiyawan naman ang mga nakasaksi. Maging ako ay napasigaw rin. Kakaiba. Tila niyayakap ako kaya magaan sa pakiramdam. Baka heto na? Baka heto.

Malapit na ako. Malapit na akong makauwi. Mula sa plaza ay tanaw ang terminal ng mga bus. Paalis na ang isa patungong Cubao. Kaya’t nagmadali ako, nagbabakasaling makasakay na. Sa kabutihang palad, mayron pang mga bakante. Mabilis akong naupo.

“Mahal kita”
“Mas mahal kita”
“Mas mahal kita!”
“Mas mahal nga kita!” Napakunot ang noo ko sa narinig. Parang may halong gigil.
“Wow! Kung mas mahal mo ako, bakit mo ako sinasaktan?”
“Hoy! Mas nasasaktan ako!!”
“Hindi! Ako ang mas nasasaktan! Lagi!”

Nag-away na ang mga kingina.

Ano nga ba? Ano ba talaga? Kalakip ba ng pag-ibig ang away, pagod, takot, lungkot at sakit? Bakit? Bakit hindi alam kung bakit? Bakit may bakit? Dahil may dahil? Dahil nagmahal? Ano ba kasi ang pagmamahal? Ano?!

Napatingin nalang ako sa bintana ng bus, dumidilim na ang kalangitan. Lumipas nanaman ang araw. Kaya pinili ko itong balikan.

Marahil ang pag-ibig ay ang matatamis na salita. Ang malalalim na tingin. Ang mga ngiti at tawa. Mga hindi inaasahang anyaya. Ang paghawak sa kamay. Ang kagustuhang maramdaman ang init niya sa pamamagitan ng pag-indak. Ang kawalan ng pakielam sa paligid basta’t kasama mo siya.

Marahil ay wala itong kinikilalang edad. Marahil ito ay ang maliliit na bagay na makapagpipinta ng ngiti sa kanyang mukha. Ang mga sigaw ng pakikiisa at pagsuporta–ng hindi pagtutol. Ang pagsiil ng halik sa kanyang labi. Ang pag-ibig ay malaya.

Baka hindi ito nangangailangan ng sukat. Hindi dapat maglamangan. Kung iniibig ay iniibig, walang labis o kulang. Baka ito ang pag-unawa. Ang lambing. Ang kalinga.

O ‘di kaya ay ‘yung pagbibigay ng mauupuan sa iba. Pagbabalik ng gamit na nalaglag. Pagsasagot sa tanong. Pagtatanong kung kumain na. Mga salitang hindi nasambit. Mga hindi nakita dahil nakapikit. Nararamdamang isinantabi. Mga sakripisyong ginawa.

Marahil ito ay nasa paligid lamang, naghihintay ng makakahanap. O marahil– ang pag-ibig ay hindi mapapakahulugan ng mga salita. Na kailangan itong maramdaman upang malaman.

Ewan. Bahala na.

Nagulat ako nang may tumunog. May text akong natanggap. Galing sa kanya. Sa halip na sagutin ay nakinig na lamang ako ng kanta at itinuon ang pansin sa tanawin.

“…at habang buhay na mag-iisa..”

[inspired by UNIQUE’S Sino]

Leave a comment