Ang Pandama ng mga Tao

Ramdam ko pa rin ang init ng kanyang balat noong hinawakan niya ang aking kamay.
Ramdam ko pa rin ito habang papauwi ako ng bahay.

Rinig ko pa rin ang malulutong niyang tawa na tila musika sa aking tenga.
Rinig ko pa rin ito sa kabila ng katahimikan.

Nakikita ko pa rin ang kinang ng kanyang mga mata kapag siya’y tumitingin sa kagandahan ng buhay.
Nakikita ko pa rin ito kahit na patay ang mga ilaw at naghahari na ang karimlan.

Damhin mo rin ito.

Damhin mo rin ito gaya ng hanging humahalik sa iyong makinis na balat, na sa pagsabay nito sa hampas ng alon ay manuot sa iyong buto ang dala nitong lamig at ginhawa. Damhin mo rin ito gaya ng init na dala ng sikat ng araw na tumatagos sa kaibuturan ng iyong balat. Na sa bawat paglabas mo ng iyong lungga ay pilit itong dumidikit, sumisingit, nagpupumilit at hindi mo na matatakasan pa. Damhin mo ang pagmamahal ko na sa bawat paghakbang ay kasama mo ako; umaalalay, sumusuporta, sasabayan ang bawat lakad mo.

Dinggin mo rin ito.

Dinggin mo rin ito gaya ng himig na inaawit ng iyong ina sa tuwing ika’y kanyang ina- alo. Na sa bawat linyang kanyang binibitawan ay siyang humahaplos sa iyong mga mata na nagpapabigat ng iyong talukap. Dinggin mo rin ito gaya ng ingay na dala ng kuliglig tuwing gabi; nagsusumamo na iyong pakinggan, nagpupumilit na sumiksik sa kaloob- looban, ng ‘yong tengang tila hindi na sanay sa katahimikan. Dinggin mo ang puso ko na sa isang daan at labing limang libo’t dalawang daan nitong pagtibok sa loob ng isang araw ay isa lang ang pilit na isinisigaw–ang pangalan mo.

Tignan mo rin ito.

Tignan mo rin ito gaya ng orasang paulit-ulit mong sinusulyapan, bawat segundo ay pilit na tinitikman, binabantayan ang paggalaw ng kamay ng minutong inaasam. Pagmasdan mo rin ang mga naipong usok sa kalangitan, at sa pagbugso ng hangin na nagdudulot ng galaw, makikita mo ang buwang ikinukubli sa likuran. Buwan na nagbibigay liwanag, sa karimlan ng gabi pilit inaapuhap. Tignan mo ang labing kahit na tuyo at nababalatan, ay hindi iniisip kung masasaktan, dahil sa ngiting hindi kayang pigilan. Gagalaw, aangat, sa oras na hindi inaasahan, dahil sa isang ikaw na dahilan.

Kung gaano kabilis tangayin ng hangin ang alikabok, kung gaano kadaling tangayin ng hangin ang iyong buhok, ganun din ang pandama ng isang tao, papaalipin, papatangay tayo. Sana ay hindi ka manhid, sana ay hindi ka bingi, at sana ay hindi ka bulag. Sana ay magamit mo ng husto ang bawat pandama mo. Sa pagkabigo man o pagkapanalo, ang mga pandama ang sasalo sa buhay mo. Ang hangin man ay malamig o mainit. Ang kapaligiran man ay maingay o tahimik. May oras ka man o wala. Sa pagbasa nito, sana ay makarating sa’yo, maghari man ang kahit ano, alalahanin mong nandito ako.

Leave a comment